Pananaliksik-Kompetensi ng mga Guro sa Senior High School sa Filipino
Abstract
Nilalayon ng pag-aaral na ito na matukoy ang antas ng kasanayan ng mga gurong nagtuturo ng asignaturang Pananaliksik sa Filipino sa Senior High School na may espesyalisasyon sa Filipino. Gumamit ng deskriptibong-survey na disenyo at isinagawa sa 40 guro mula sa lalawigan at lungsod ng Sorsogon noong taong panuruan 2021–2022. Gumamit ng purposive sampling sa pagpili ng mga kalahok. Isang talatanungan na inangkop mula sa pag-aaral nina Gomez at Panaligan (2013) ang pangunahing ginamit na instrumento upang masukat ang kompetensi sa pananaliksik at kasapatan ng mga kagamitang pampananaliksik at iba pang materyales na ginagamit ng mga guro. Bukod dito, nagsagawa rin ng panayam upang matukoy ang tiyak na pangangailangan ng mga guro. Ang mga datos ay nakalap sa pamamagitan ng Google Forms at sinuri gamit ang mean, frequency count, at thematic analysis. Ipinakita ng mga natuklasan ang sumusunod na mean score sa kompetensi ng mga guro sa pananaliksik: Teknikal na Aspeto – 4.10 (May Kakayahan), Mga Bahagi ng Pananaliksik – 3.886 (May Kakayahan), Paunang at Karagdagang Pahina – 3.923 (May Kakayahan), at Kagamitang Magagamit – 3.450 (Nasiyahan). Kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng mga guro ang pagkakaroon ng seminar-workshop, karagdagang pagsasanay, suporta mula sa institusyon, at mas madaling akses sa mga lokal na sanggunian sa wikang Filipino. Bagamat karaniwang masasabing may kasanayan ang mga guro, may ilang aspekto na nangangailangan pa ng karagdagang paglinang, partikular sa pagbuo ng suliranin, pagsusuri ng kaugnay na literatura, pagsulat ng abstrak, at pagtatala ng sanggunian. Iminumungkahi ng pag-aaral ang pagsasagawa ng regular na mga pagsasanay at ang pagbibigay ng sapat na kagamitan. Dagdag pa rito, hinihikayat ang Department of Education (DepEd) at ang Commission on Higher Education (CHED) na paigtingin ang mga programang pangsanay ng guro at maglaan ng mga insentibo upang higit na mapalakas ang kultura ng pananaliksik.


