Tulong-Dunong ng Information and Communications Technology sa Modular Learning ng mga Mag-Aaral
Abstract
Layunin ng pag-aaral na ito na matuklasan at masuri ang tulong ng Information and Communications Technology sa modular learning ng mga mag-aaral sa Juban National High School, taong panuruan 2021-2022.Ginamit ang Deskriptibong-sarbey disenyong pag-aaral at gumagamit ng talatanungan upang makalikom ang mga datos. Random sampling ang ginamit ng mananaliksik sa pagkuha ng limampung (50) kalahok na mag-aaral na kabilang sa General Academic Strand (GAS) Baitang 11 ng Juban National High School sa taong panuruan 2021-2022. Batay sa nalikom na datos natuklasan ang mga sumusunod: Ang Information and Communications Technology ay may malaking tulong-dunong sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa modular learning. Ito ay nag-uudyok sa mga mag-aaral na tuklasin ang iba pang paksa na maaring hindi pa nila alam o natatalakay. Madaling naunawaan at nasasagutan ng maayos ng mga mag-aaral ang kanilang mga modyul. Napag-alaman ng mananaliksik na halos karamihan sa mga mag-aaral ay smartphones ang ginagamit sa modular learning. Ito ang nagpatotoo na hindi lahat ng mag-aaral ay may sapat na kagamitan tulad ng laptop at iba pa upang gamitin sa pag-aaral sa modular. Masasabing malaki ang tulong ng Information and Communications Technology, ngunit nararapat pa rin na mabigyan ito ng limitasyon sa paggamit dahil ang labis na paggamit ng nito ay nagdudulot ng pagpapabaya sa pag-aaral at naisasantabi ang pagsagot sa mga modyul. Inirerekomenda ang sumusunod: Pagtibayin ang paggamit ng Information and Communications Technology sa antas ng edukasyon. Magkaroon ng kasapatang kaalaman ang mga guro at mag-aaral sa positibo at negatibong gamit ng Information and Communications Technology sa pagtuturo at pag-aaral. Ang mga gawain o modyul ng mga mag-aaral ay maging smartphones friendly ng sa ganun mas marami ang makapag-access nito. Gamitin lamang ang Information and Communications Technology kung ito ay kinakailangan sa tiyak na gawain pang-edukasyon upang mabawasan ang mga negatibong dulot nito.